161

Dec 15, 2017 @ 10:53

Doble ang sahod sa ‘regular holidays’ ngayong Kapaskuhan – DOLE

Maaga nang nagpapaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa tamang sahod na dapat ipatupad ng mga employer sa mga manggagawang papasok sa trabaho sa December 25 (Araw ng Pasko), December 30 (Rizal Day) at January 1, 2018 (Bagong Taon).

Ang mga nabanggit na araw ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang mga regular holiday.

Batay sa Labor Advisory na inilabas ng DOLE, kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho sa nabanggit na mga petsa, tatanggap pa rin siya ng 100 percent ng kanyang sahod para sa nasabing mga araw.

Kapag pumasok naman sa trabaho, doble ang ang sahod na kanyang tatanggapin sa nabanggit na mga petsa.

Samantala, kung nag-overtime naman ang manggagawa, makakatanggap siya ng dagdag na 30-percent ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw.

Kung nagkataon namang rest day ng manggagawa pero siya ay nagtrabaho, tatanggap siya ng karagdagang 30 percent ng 200 percent ng kanyang daily rate, at kung nag-overtime naman ay makakatanggap siya ng dagdag 30-percent ng kanyang hourly rate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?