58

Nov 7, 2017 @ 13:05

DND, nakaalerto sa ‘lone wolf attack’ sa ASEAN Summit

Walang na-monitor na security threat ang Department of National Defense (DND) sa idaraos na ASEAN Summit sa Maynila.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tugma naman sa unang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen Ronald dela Rosa na walang na-monitor na imminent threat ang PNP.

Pero ayon kay Lorenzana, hindi ito nangangahulugan na magpapakampante na ang mga security forces ng bansa sa pagbibigay-seguridad sa pandaigdigang pagpupulong na iho-host ng Pilipinas sa susunod na linggo.

“A lone wolf attack is always present all over e, all over, so of course we are concerned dahil isang tao lang ‘yan makagawa ng malaking damage, we are concerned,” sabi ni Lorenzana.

Aniya, kahit na walang na-monitor na planong pag-atake ng mga terorista, palaging may posibilidad ng ‘lone wolf attack’.

Ito aniya ay ang pag-atake ng isang indibiduwal na maaaring makalikha ng gulo, kaya’t nakaalerto sila sa ganitong posibilidad.

Sinabi ni Lorenzana na importanteng matiyak ang seguridad ng mga bibisitang heads of state at dignitaries sa bansa, at 60K security personnel ang gagamitin para dito. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?