147

Oct 21, 2017 @ 14:21

DNA sample, tugma sa bangkay ni Isnilon Hapilon

Kinumpirma na ng US Federal Bureau of Investigation na ang DNA sample na nakuha sa bangkay sa Marawi ay tugma sa emir ng ISIS sa Southeast Asia na si Isnilon Hapilon.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ito ang ipinaabot na resulta ng Amerika sa Department of National Defense (DND).

“We have received an official report that the US Federal Bureau of Investigation (FBI) has confirmed that the DNA sample taken from a body recovered by our operating units in Marawi matches that of Isnilon Hapilon,” pahayag ni Lorenzana.

Matatandaang napatay ng tropa ng militar si Hapilon noong Oktubre 16 sa main battle area sa Marawi.

Kasamang napatay ng militar ang isa pang lider ng teroristang grupo na si Omar Maute.

Gayunman, wala pang inilalabas na resulta ng DNA test sa bangkay ni Maute.

Ayon kay Lorenzana, pinoproseso na rin ang pagkilala sa iba pang bangkay na narekober sa Marawi.

“This process of verification is also being conducted on the cadavers of the other terrorists that have been recovered so far,” dagdag ni Lorenzana. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?