7

Aug 6, 2020 @ 17:05
By

Dizon dedma sa ‘Pinas bilang bagong COVID hotspot

Hindi natinag si testing czar Vince Dizon matapos na maging headline ang Pilipinas sa ibang bansa kung saan tinagurian na posibleng susunod na ‘COVID-19 hotspot’ sa Southeast Asia.

Saad ni Dizon, haka-haka lamang umano ang nasabing report ng Singapore news agency na Strait Times, at tumataas lamang aniya ang kaso dahil sa patuloy na pagtaas ng testing capacity ng bansa.

“Speculative iyon. Pero ang masasabi ko dumami na ang testing natin… What the data shows us is that since we ramped up testing, we have found more positives. Our people have to understand that that is normal,” pakli ni Dizon.

Aniya, ang ibang bansa umano sa Asya ay malayo ang bilang ng isinasagawang testing kada araw, na ayon kay Dizon ay umaabot na sa 30,000.

“Ang ibang bansa tulad ng Indonesia, ang kanilang testing ay kalahati lang ng ginagawa nating testing ngayon. Habang tayo ay nagti-test, talagang mas marami tayong makikitang positibo pero mas importante ‘yon kasi kung hindi natin sila mahahanap at hindi maa-isolate ay lalong kakalat at dadami ang magkakasakit,” wika ng testing czar.

Sa ngayon ay posible nang maungusan ang Indonesia sa dami ng bilang ng COVID-19 positive, sa Indonesia ay nasa 116,871 ang kumpirmadong kaso habang 115,980 naman sa Pilipinas.

Ngunit kung ikukumpara ang active case sa pagitan ng dalawang bansa, mas marami sa Pilipinas na may 47,587 kumpara sa 37,530 ng Indonesia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?