43

Oct 5, 2017 @ 15:48

Divina pinalagan si Kapunan

Inakusahan ni Universiy of Santo Tomas (UST) Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina ang kapwa abogadong si Atty. Lorna Kapunan ng umano’y  personal na pag-atake sa kanya matapos ihayag ng huli na idadamay na rin siya at iba pang opisyal ng unibersidad  sa kaso ng pagkamatay sa hazing ng law freshman na si Horacio “Atio” Castillo III.

Ginagamit din umano ni Kapunan ang pagiging legal counsel ng pamilya Castillo upang manipulahin ang mga ito at gumawa ng mga bagay na walang basehan.

Hindi naitago ni Divina ang pagkadismaya nang malaman niyang idadagdag siya sa listahan ng mga akusado na responsable sa pagkamatay ni Castillo, kasama ang 18 miyembro ng Aegis Juris fraternity.

Sa preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) sa kaso noong Miyerkules, sinabi ni Kapunan na damay na rin si Divina sa krimen dahil kakasuhan nila ito ng paglabag sa anti-hazing law.

Inamin aniya ni Divina sa Senate hearing noong Setyembre 25 na alam niya ang gagawing initiation rites sa biktima noong Setyembre 17 subalit wala siyang ginawang aksyon upang pigilan ito.

Samantala, sinabi ni Divina na personal na siyang inaatake ni Kapunan dahil ito rin ang abogado ni Patricia Bautista, asawa ni Commission on Elections (Comelec) chairman Andres Bautista sa pagsasampa ng disbarment case laban sa kanya sa Supreme Court.

“Bilang abogado, layunin namin na makamit ang hustisya sa sinapit ni Atio, pero ang ginagawa ni Atty. Kapunan ay ang manisi ng mga inosenteng tao para sa kanyang personal agenda,” ayon kay Divina.

Nauna nang iginiit ni Divina na hindi dapat madamay sa kaso ang unibersidad dahil nangyari ang krimen sa labas ng institusyon bukod pa sa hindi kasama ang Aegis Juris sa listahan ng mga accredited school organization sa taong ito. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?