199

By

Diskarte vs Australia silip na ni Castro, Gilas

Sharing is caring!

Nabuhayan ng pag-asa ang Gilas Pilipinas laban sa Australia, tanging tumalo sa kanila sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Pagkatapos ng 79-78 surprise loss ng Boomers sa Japan Biyernes ng gabi sa Chiba, siguradong pag-aaralan ng Pilipinas ang butas ng Australia. Isama na ang estilo ng basketball na ginawa ng Akatsuki Five.

May NBA players na Matthew Dellavedova at Thon Maker ang Australia, pero hindi sila umubra sa bagong reinforcement ng Japan na sina naturalized Nick Fazekas at US NCAA standout Rui Hachimura.

Pagkatapos ng dambuhalang 93-71 win sa Chinese Taipei Biyernes ng gabi rin, uwi agad ang Filipinos at may dalawang araw para paghandaan ang Australians.

Nagtabla na ang Gilas at Boomers sa lead ng Group B sa 4-1 cards, babasagin ang pagkakabuhol sa July 2 sa Philippine Arena.

Puwedeng makinabang ang Filipinos sa estilo ng Japan, pero asahang mas mabangis ang Australians sa pagbalikwas dahil ngayon pa lang sila natalo sa FIBA Asia.

Tinalo ng Australians ang Filipinos 84-69 sa Melbourne noong February.

Kagandahan lang, bitbit ng Pilipinas ang sixth man – ang crowd na inaasahang dadagsa sa Bocaue.

Sina June Mar Fajardo at Jayson Castro ang muling bumuhat sa Pilipinas kontra Taipei. Laban sa Australia, may nakikita nang solusyon si Castro.

“We need our run-and-gun offense to be effective because that’s what we missed in the first game against Australia,” anang Asian premier guard.

Inekisan ni Castro na mas malalaki ang Australians at nagawang pabagalin ang laro kaya hindi nakuha ng Filipinos ang ritmo.

“They stopped our fast break attack, so we need to do better with our run-and-gun. That’s the true game of Gilas Pilipinas,” giit ni Castro. (Vladi Eduarte)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?