62

Oct 19, 2017 @ 17:24

Disbarment ng Aegis Juris frat members, hirit ng ina ni Atio

Hiniling ng ina ni Horacio “Atio” Castillo sa Korte Suprema na patanggalan ng lisensya bilang abogado ang mga myembro ng Aegis Juris fraternity na nagplano para maitago ang pagkasawi ng anak sa hazing rites.

Sa panayam ng GMA 7, sinabi ni Carminia Castillo, na hindi karapat-dapat na manatiling abogado ang mga iyon, kahit pa maging abogado ng mga masasamang loob.

“Nakakahiya sila. They do not even deserve to be called lawyers. They do not even deserve to represent the guilty ones. Wala silang karapatang maging abogado,” pahayag ni Gng. Castillo.

“They should be disbarred. ‘Yan ang kailangan. Patanggalan ng lisensiya,” dagdag pa niya.

Sa pagdinig ng Senado nitong Mierkules, nalantad ang pag-uusap sa Facebook chat group ng may 30 myembro ng Aegis Juris ukol sa nangyari kay Atio.

Pinag-usapan doon kung paano maililigtas mula sa pananagutan ang mga myembro na nakapatay kay Atio sa hazing at ang paglilinis ng fraternity library mula sa mga ebidensya kabilang ang paddle na ginamit sa pananakit kay Atio.

Abogado ang Ilan sa mga kasali sa chat group at nagpapayo ng paglabag sa batas para matakasan ng kanilang mga myembro ang pananagutan.

Ayon kay Gng. Castillo, ang chat group ang katibayan na gusto nilang pagtakpan ang nangyari.

Itinuturing naman niyang mamamatay-tao lahat ng dumalo sa initiation rites kung saan napatay si Atio.

“They were all murderers. They just let him die. Pinabayaan nilang mamatay,” nagpupuyos na pahayag ni Gng. Castillo. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?