289

Sep 13, 2019 @ 18:20
By

Disaster resilience bill pinamamadali ni Velasco

MANILA – Pinamamadali ni House Committee on Energy chair Lord Allan Velasco sa Kongreso ang pag-apruba sa panukalang pagbuo ng Department of Disaster Resilience (DDR).

Sa kanyang sponsorship speech, nanawagan si Velasco sa kanyang mga kasamahan sa Kamara na bilisan ang pagpasa ng panukalang DDR sa ilalim ng House Bill No. 3459 na isa sa mga pinamamadaling panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.

Ayon kay Velasco, naglalaro na sa sa hindi bababa sa 20 malalakas na bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon at napapanahon na upang magkaroon ng ahensya na direktang tututok sa mga trahedya at pagbangon ng mga nasalanta.

Binanggit ni Velasco ang isang pag-aaral na ginawa ng World Bank na hanggang 6.5 porsiyento ng Gross Domestic Product ng Pilipinas ang posibleng mawala dahil isa ito sa mga binansagang “most vulnerable to disasters” at “most disaster-risk prone country in the world in terms of number of people affected.”

Babala ni Velasco, ang malalakas na bagyo ang bagong reyalidad ng sangkatauhan ngayong ika-21 siglo.

“This bill applies the painful lessons from the country’s major disasters like Typhoon Yolanda and global best practices,” saad ni Velasco.

Ang panukalang DDR ang magiging pangunahing ahensya na tututok sa inter-governmental coordination para sa paghahanda at pagpapatupad ng mga programa na may kinalaman sa sakuna.

Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, Office of the Civil Defense at iba pang ahensya na may kinalaman sa trahedya at sakuna ay mapapasailalim ng DDR.

Ang nasabing panukalang batas ay lumusot na sa ikatlong pagbasa ng Kamara noong 17th Congress subalit bigo itong makalusot sa Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?