242

Jun 20, 2018 @ 14:07
By

Direk Jun Lana, may panawagan sa Urian at iba pang award-giving bodies

Nanawagan ang batikang direktor at producer na si Jun Robles Lana sa Urian Awards (Manunuri ng Pelikulang Pilipino) at iba pang award-giving bodies na ingatan ang screeners copy na hinihiram sa mga producer para sa pagrerebyu ng mga pelikula.

Dalawa sa ginawang pelikula ni Direk Jun ang napirata at na-upload sa social media. Ito’y ang “Barber’s Tale” na pinagbidahan ni Eugene Domingo at “Anino Sa Likod Ng Buwan” nina LJ Reyes at Adrian Alandy (formerly Luis Alandy) at Anthony Falcon.

Idinaan ng award-winning filmmaker sa Twitter ang kanyang panawagan.

Aniya, “Dear Urian at iba pang local award giving bodies: yung mga screener ng pelikulang nirereview nyo, sana ingatan nyo. Nagbibigay nga kayo ng awards pero napipirata naman ang mga pelikula namin. Hindi ito ang first time.”

“Yung sex scene ng [‘anino sa likod ng buwan’] nakita ko rin dito, ilang beses na-share, malinaw na may watermark na urian screener. Ayusin nyo naman ang sistema nyo. Anong halaga ng pagkilala nyo kung nagiging dahilan kayo para mapirata ang mga pelikula namin,” himutok ng Palanca Awards winner.

Patuloy ni Direk Jun, kasabay ng pagpo-post niya ng screengrab ng pelikula niyang “Barber’s Tale” na obviously ay isinumite ng IdeaFirst Company o ng Octobertrain Films sa Urian for review, “Ayan ang linaw ng watermark. Para sa jury lang dapat ito. Paano napirata? Paki explain, Urian organizers.”

Bukas ang Abante Online para sa side ng Urian o Manunuri ng Pelikulang Pilipino para sa ikalilinaw ng isyung ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?