98
martin-dino
By

Diño, gustong ipatawag ng Kamara sa alegasyon ng vote-buying

Sharing is caring!

Nagsalita na si Deputy Speaker Raneo Abu matapos maakusahan at makasuhan dahil sa diumano’y vote buying sa nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sa kanyang privilege speech, hindi tinalakay o itinanggi ni Abu ang bintang laban sa kanya dahil subject na ito ng kaso.

Pero nanggagalaiting pinuntirya ng kongresista si DILG Usec. Martin Diño na nagpasabog ng impormasyon tungkol sa umano’y mahigit isang libong opisyal kasama ang 100 kongresista na sangkot sa vote-buying sa katatapos na halalan.

Hiniling ni Abu sa liderato ng Kamara na ipatawag si Diño at pagpaliwanagin sa naging alegasyon nito.

Kailangan anyang humarap ang opisyal sa Kamara na may bitbit na matitibay na ebidensya para patunayan ang salita nito.

“Sa oras pong ito Madam Speaker, ay nais kong hilingin sa kapulungang ito na maipatawag si Usec. Diño ng tama nating komite dito sa House of Representatives, at kung hindi man po’y akin pong tinatawagan ang Secretary ng DILG OIC na kanya pong sabihan si Usec. Martin Diño na ilabas ang pangalan ng 100 miyembro ng House of Representatives na kanyang pinaparatangan. Pero kaalinsabay ng pagpapalabas ng mga pangalan ay magbigay din sya ng talagang sapat na ebidensya na itong mga taong ito ay may ginawang paglabag sa ating election laws,” pahayag ni Abu.

Sentimyento ng Deputy Speaker, naghirap silang buuin ang kanilang pangalan at kunin ang tiwala ng kanilang constituents kaya hindi sila papayag na sisirain ito ng isang opisyal na gusto lamang magpapogi sa media.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?