77

Oct 4, 2021 @ 17:52
By

Dinaig ang iba! PGRP kumpleto lineup sa paghain COC

Sumugod sa Sofitel hotel ngayong Lunes para maghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga miyembro ng Philippine Green Republican Party (PGRP) kung saan may pambato sila sa pangulo, bise presidente at 12 senador.

Para sa standard bearer, panlaban ng PGRP si Leo Cadion habang kanyang running mate si Princess Sunshine Amirah Magdangal.

Samantala, ang kanilang senatorial lineup ay binubuo nina Guzman Claro, Roberto Aniceto Jr., Maria Lourdes Santiago, Edgar Miranda, Rosita Maura Delos Angeles, Jigger ND Pitos, Eleazar Calampiano, Bobby Francisco, Pedro Austria, Florencio Carlos, Anthony Castro at Mario Mangco.

Ayon kay Cadion, nagiging negosyo na lamang umano ng mga pamilya ang politika sa Pilipinas kaya’t naisipan nilang tumakbo.

Sakaling magwagi, layunin umano nilang iangat ang pamumuhay ng mga mamamayan.

Ang problema nga lang, mayroon na rin naghain ng kanilang COC para sa pangulo at pangalawang pangulo sa ilalim ng PGRP, at ito’y sina Laurencio Yulaga at Alexander Lague na naghain ng COC noong Oktubre 1.

Si Lague ang may platapormang gawing pabango at fertilizer ang ihi ng mamamayan na kokolektahin sa mga itatayong palikuran sa lahat ng barangay sa bansa.

Giit ni Cadion, sila ang lehitimong PGRP.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?