16

Aug 12, 2021 @ 14:52
By

Dinaan sa hugot! Petecio tinutulak mga bebot magboxing

Dahil sa kanyang mga naabot sa larangan ng boxing lalo na sa katatapos lamang na Tokyo Olympics, hinimok ni silver medalist Nesthy Petecio ang mga kapwa babae na huwag matakot subukan ang boxing at iba pang contact sports.

Sa PSA Forum nitong Martes, dinaan ni Petecio sa hugot ang panghihikayat sa kanyang mga kapwa babae.

“Lahat naman po, nasasaktan po tayo,” wika ni Petecio. “Sa love nga, kahit ‘di tayo makaganti, tinatanggap nating masaktan eh, sa sports pa kaya na nakakapagbigay tayo ng karangalan, at saka nakakatulong pa sa atin, lalo na sa pamilya natin, sa pangarap natin.”

“Bakit hindi po natin subukan? Sa love nga, nagbibigay tayo ng oras, kahit sa maling tao. Bakit hindi natin gawin sa sports na gusto natin, na alam nating tama para sa atin, ‘di ba? So ayun po,” pagpapatuloy pa niya.

Isa sa naging highlight ng Tokyo Olympics para sa mga atletang Pinoy ang pagbasag sa tinatawag na gender stereotypes, kung saan mga babae ang naging pambato ng bansa sa mga itinuturing na panlalaking sports gaya ng weightlifting, skateboarding at boxing.

Kaya naman gayon na lamang ang panghihikayat ni Petecio sa mga kababaihan na subukan din ang contact sports.

“Encourage ko po kayo lahat, mga kababaihan po, na sumali po sa boxing. Hindi lang po sa boxing, sa mga combat sports po na gusto niyo po. Hindi man po ganoon kadali po, totoo po ‘yun, pero ‘pag desidido po kayo, ‘pag gustong-gusto niyo po, magiging smooth na lang po.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?