26

Sep 8, 2021 @ 22:01
By

DILG-SSS nagkasundo para sa benepisyo ng mga endo

Pumirma sa kasunduan ang Social Security System (SSS) sa Department of Interior and Local Government (DILG) para masakop ang mga empleyadong naka-endo sa kagawaran.

Ayon sa SSS, pinirmahan ng DILG at SSS ang memorandum of understanding noong August 16, 2021.

Sa ilalim ng kasunduan, ituturing na self-employed ang mga naka-endo sa DILG para masakop ng SSS at makakuha ng benepisyo dito.

Paliwanag ng SSS, ang mga naka-endo sa pamahalaan ay hindi sakop ng Government Service Insurance System (GSIS).

Alinsunod sa kasunduan, ang DILG ang kukubra ng bayarin sa SSS ng mga naka-endo at magsisilbi itong collecting partner ng SSS para sa mga monthly contributions ng mga tauhang naka-endo.

Sakaling matapos ang kontrata sa DILG, maari pa rin nilang ipagpatuloy ang kanilang kontribusyon sa SSS para makinabang sa mga benepisyo.

Kahit mga permanente o regular na empleyado ng DILG ay hinihikayat ding sumali sa SSS bilang voluntary members kahit pa sakop na sila ng GSIS.

Sabi ng SSS, nakipag-ugnayan na ito sa 1,374 na local government units, 436 national government agencies, 101 state universities and colleges at 63 water districts para masakop ang 312,746 na nagmiyembro na sa SSS at ang koleksyon sa kanila ay higit na sa P3.9 bilyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?