18

Jul 3, 2020 @ 15:01
By

DILG sa mga LGU: Mga stranded ‘wag pigilang umuwi!

Nanawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government unit (LGU) na huwag tanggihan ang pagbalik ng kanilang mga residente na na-stranded sa Metro Manila.

Sa Laging Handa press briefing, pinaliwanag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na bawat locally standed individual (LSI) ay nabigyan naman ng mga medical certificate at ligtas sa COVID-19 matapos sumalang sa rapid testing.

Giit pa ni Malaya, kung nais umano ng mga LGU ay maglatag din sila ng mga health protocol basta’t mapauwi lang ang mga na-stranded na kababayan.

“Ang sinasabi lang po namin, you may impose whatever health protocols you would like to impose, but please do not stop these LSIs from going home,” saad ni Malaya.

“Ang vigilance po ngayon ay on both ends. Dito po sa Metro Manila, for example, we require the medical clearance certificate and the travel authority, at ipinipaalam po natin sa mga LGUs na papauwiin na sila,” aniya pa.

Diin din ng DILG official, karapatan ng mga residente na makauwi sa kani-kanilang pamilya.

“Pagdating naman po doon sa LGUs, they should also do their own checking. They can conduct a PCR test dito sa mga taong ito, or kaya naman po i-quarantine nila, para makakasiguro sila na ang lahat ng mga stranded natin na papauwi ay hindi makakahawa sa kanilang komunidad,” saad pa niya.

Matatandaan na ilang lugar ang suspendido ang pagtanggap ng mga LSI dahil sa pangamba ng COVID-19, kasama dito ang Western at Eastern Visayas, Cebu Island at CARAGA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?