19

Jan 6, 2022 @ 14:04
By

DILG: 297 quarantine facility kayang bantayan

Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kayang bantayan ng mga pulis ang 297 quarantine facilities sa Metro Manila laban sa mga pasaway na pumupuslit na balikbayan at Overseas Filipino Workers.

Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya na sapat ang bilang ng mga pulis para magbantay alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat maulit ang ginawa ni Poblacion girl.

“So, 297 times two dahil sabi ng Pangulo ay dalawa, that means 594 police officers; so, kakayanin naman po natin ito. Mayroon po tayong tinatawag na Mobile Force Battalion na nakatalaga sa NCRPO, sa mga police district offices and mga police stations,” ani Malaya.

Maaari din aniyang gamiting pang-relyebo ang mga pulis na dating naka-assign sa checkpoints sa mga quarantine hotel na accredited ng Department of Tourism at Bureau of Quarantine.

Nais ni Pangulong Duterte na may tig-dalawang pulis na nakabantay sa bawat quarantine hotel, isa sa entrance at isa sa exit para masigurong walang makapuslit at magkalat ng virus habang naka-quarantine.

May iba’t ibang klasipikasyon ng quarantine facilities sa Metro Manila at ibang mga lugar gaya ng mandatory quarantine facility, stringent quarantine facility at mayroon din para sa mga seafarers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?