66

By

Digong nagdaos ng cabinet meeting sa Jordan

Sharing is caring!

Nagpatawag ng cabinet meeting si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng gabinete na kasama nitong bumibisita sa Jordan.

Sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na binigyan ang Pangulo ng briefing patungkol sa ekonomiya at isyung panseguridad.

Sa harap na rin ito ng mainit na isyu ng mataas na inflation sa bansa dahil sa kakulangan ng suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) pati na ang mataas na presyo ng mga pagkain gaya ng karne ng manok, baboy, gulay at isda.

Hindi binanggit ni Go kung kasama rin sa napag-usapan ang gusot na kinakaharap ngayon ni Senador Antonio Trillanes IV matapos mapawalang-bisa ang amnestiya nito at nahaharap sa posibleng pag-aresto.

Batid ni Pangulong Duterte ang mga nangyayari sa Pilipinas kahit ito ay nasa ibang bansa dahil binibigyan siya ng report ng iniwang caretaker ng gobyerno na si Justice Secretary Menardo Guevarra.

Kabilang sa mga gabineteng kasama ng Pangulo sa biyahe sa Israel at Jordan ay sina Executive Secretary Salvador Medialdia, Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Presidential Spokesman Harry Roque, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Trade and Industry Secretary Lopez, Labor Secretary Silvestre Bello III, DILG secretary Eduardo Año, Environment Secretary Roy Cimatu at Special Assistant to the President Bong Go.

Nakatakdang bumalik sa bansa ang Pangulo umaga ng Sabado, mas maaga ng isang araw mula sa orihinal na schedule. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?