13

Jun 11, 2021 @ 18:07
By

Digital vaccination ID pamalit sa vaccination card

Gagawing high tech ng gobyerno ang record ng mga bakunadong Pinoy sa pamamagitan ng digital vaccination ID.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez para madaling ma-verify ang COVID-19 vaccination status ng isang indibiduwal.

Ayon kay Secretary Lopez, inaasahang ilulunsad sa loob ng isang buwan ang digital vaccination ID sa pamamagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

“In a few weeks or around one month, we will complete this digital card, and hopefully a QR code also — system, kung saan centralized, consolidated na and digital form iyong ating vaccine ID,” ani Lopez.

Binubuo na aniya ang digital vaccine ID pero habang wala pa ito ay gagamitin muna ng mga senior citizen ang vaccine card na papel na ibinigay sa kanila ng local government unit kung saan sila nabakunahan.

Ang digital vaccination ID ay magagamit rin kapag bibiyahe sa ibang lugar at magiging centralized na ang impormasyon na magpapatunay na bakunado na ang mayroon nito.

Target ng gobyerno na mabakunahan ang kahit 58 milyong populasyon ng mga Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?