179

Sep 11, 2021 @ 22:05
By

Panelo bahala kay Dick, COA chief – Duterte

Bahala na si Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na umaksyon sakaling magmatigas sina Senador Richard Gordon at Commission on Audit (COA) Chief Michael Aguinaldo na mag-audit at magpa-audit sang-ayon sa itinakda ng Konstitusyon.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng paggigiit ni Senador Gordon na hindi maaaring i-audit ang isang pribadong entity gaya ng Philippine National Red Cross.

Sa panig naman ng COA, iginiit ni Aguinaldo na hindi sila maaaring diktahan ng Malacañang na i-audit si Gordon dahil ang COA ay isang independent body.

Pero sinabi ng pangulo na maaaring gawin ito ng COA lalo na kung pera ng gobyerno ang ibinigay sa Red Cross.

“With the Constitutional mandate actually, I’m sure Aguinaldo and Gordon should know where they are now. So I hope they would stop invoking that phrase about being independent,” anang pangulo.

Dahil dito, inatasan ng presidente si Panelo na siya na ang bahala kina Gordon at Aguinaldo kung patuloy na magmatigas ang mga ito.

“Sal, ikaw na ang bahala diyan kay Gordon pati na kay Aguinaldo pag ayaw nilang sumunod,” dagdag ng Pangulo.

Kinatigan naman ni Department of Education Secretary Leonor Briones ang pananaw ng Pangulo na maaaring i-audit si Gordon kahit pa pinagpipilitan na pribadong ahensiya ang Red Cross.

Si Briones ang isa sa mga gumawa ng General Auditing Code noong kalihim pa ito ng COA at mayroon aniyang probisyon na may karapatan ang COA na i-audit ang isang pribadong entity kung pera ng bayan ang sangkot dito.

“I was involved in the preparation of the General Auditing Code, and there is a provision there which says that when public interest, when public funds are involved, the COA has the right to audit a private entity to trace whether it is beneficial to the people or not,” ani Briones.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?