57

Sep 29, 2019 @ 17:39
By

Dice pusta shabu, 2 huli sa Pasig

Kulungan ang bagsak ng dalawang lalaking nagsusugal sa kalsada matapos malambat sa follow-up operation ng Pasig Police makaraang magbigay ng tip ang mga residente na shabu ang pustahan ng dalawa, Sabado ng hapon sa Barangay Maybunga.

Batay sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director PBGen. Johnson Almazan, nakilala ang mga suspek na sina Arnold Pecson, 35-anyos, construction worker at Benjamin Plagata, 28-anyos, kapwa residente ng Pasig City.

Inaresto ang dalawa bandang alas-5:30 ng hapon, Setyembre 28, 2019, sa kahabaan ng Westbank Road, Barangay Maybunga, matapos makatanggap ng tawag ang tauhan ng Pasig Police Community Precinct 2 kaugnay sa nagaganap na pag-iingay at pagsusugal sa kalsada ng dalawang suspek at mga miron na kung saan shabu umano ang pustahan.

Agad na nagresponde ang mga pulis at naaktuhan ang mga suspek na nagsusugal subalit agad namang nagkalasan ang mga miron at nadampot ang dalawang suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang dice, P160 bet money at pitong plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa mga kasong paglabag sa PD 1602 at RA 9165.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?