62

Jan 23, 2020 @ 15:38
By

Diabetes, work-related na sakit: SC ginawaran ng P3.2M ang seaman

Isang compensable work-related illness ang diabetes sa mga mandaragat, ayon sa hatol ng Supreme Court (SC).

Binaligtad kasi ng SC ang naunang hatol ng Court of Appeals (CA) at National Labor Relations Commission (NLRC) at pinababayad ng nasa $62,024 (P3.2 milyon) ang isang recruitment firm para sa permanent total disability benefits ($60,000) at sickness allowance ($2,024) ng isang seaman.

Inutusan din ng korte ang pagbabayad ng attorney’s fees na nasa 10% ng kabuuang award sa dating seaman.

Sa kanilang Oct. 16, 2019 decision na isinapubliko nitong Miyerkoles, Enero 23, 2020, sinabi ng SC 3rd Division na mananagot ang 88 Aces Maritime Services Inc., ang presidente nitong si Janet Jocson, at ang foreign principal ng 88 Aces na Khalifa Algosaibi Diving & Services Co. kay Apolinario Zonio, Jr. na na-develop ang diabetes matapos mababad sa physical, mental at emotional stress sa trabaho.

“There was also no showing that Apolinario is predisposed to the illness by reason of genetics, obesity or old age. Such being the case, this Court consider that the stress and strains he was exposed to on board contributed, even to a small degree, to the development of his disease,” ayon sa 18-pahinang desisyon na sinulat ni Justice Henri Jean Paul Inting, at sinang-ayunan nila Chief Justice Diosdado Peralta, Andres Reyes, Jr. at Ramon Paul Hernando.

Sinabi ng SC, sa pagbawi sa hatol ng appellate court noong Hulyo 31, 2017, na pwedeng i-refer ng mga kompanya si Zonio sa isang company-designated physician matapos itong pauwiin, ngunit hindi nila ginawa.

Pinahayag din ng SC na ipinalagay na work-related ang diabetes sa Section 20(B)(4) ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)-Standard Employment Contract (SEC) kahit pa hindi ito nakalista sa Section 32(A) bilang isang occupational disease.

Na-hire bilang “ordinaryong seaman” ng M/V Algosaibi 42 si Zonio ng 88 Aces noong Pebrero 2010 para sa anim-na-buwang kontrata, ngunit hindi ito agad pinauwi noong Agosto 2010 matapos nitong pumasok sa panibagong kontrata sa Khalifa Algosaibi.

Nagtrabaho roon si Zonio hanggang Abril 2012, kung kailan siya pinauwi ng Pilipinas.

Mayo 2015 nang maghain ng reklamo si Zonio sa harap ng Labor Arbiter laban sa tatlo. Sinabi ng dating seaman na nakaramdam siya ng pagkahilo habang naglalayag noong 2010 at pinadala siya sa Salama Hospital sa Al-Khobar, Saudi Arabia, kung saan napag-alamang meron siyang mataas na glucose at cholesterol level.

Pinainom ito ng mga gamot at pinayuhang magkaroon ng tamang diet at umiwas sa stress. Gayunman, bumalik ang pagkahilo ni Zonio noong 2012, na sinamahan pa ng panlalabo ng paningin.

Nang magpakonsulta ito sa parehong ospital, na-diagnose si Zonio ng diabetes mellitus at dyslipidemia.

Matapos umuwi ng bansa noong 2012, nagtungo ang lalaki sa 88 Aces upang kunin ang mga unpaid wages at para ma-refer sa kanilang company physician, ngunit tumanggi ang kompanya na sagutin ang gastusing medikal nito gayong tapos na ang kanyang kontrata.

Kaya kumonsulta si Zonio sa ibang doktor noong 2013, na siyang kinumpirma ang sakit niyang diabetes mellitus.

Taong 2015 naman nang kumonsulta ang lalaki sa Municipal Health Officer ng Municipality of San Jose na siyang nagdeklara sa kanya bilang “physically unfit to continue work” dahil sa kanyang hyperglycemia.

Giniit ni Zonio sa 88 Aces ang kanyang disability benefits ngunit hindi ito binigay sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?