699

Dec 16, 2017 @ 10:35
By

‘Di kailangan ang martial law sa problema sa terorismo – CHR

Nanindigan ang tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi kailangan ang martial law para lutasin ang problema sa terorismo at mga insidente ng karahasan sa Mindanao.

Ito ang inihayag ng ahensiya bagama’t iginagalang umano nila ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao.

“Consistent with our stance, the commission believes that the police and military can address threats of terrorism and lawless violence without martial law,” ayon sa isang statement ng CHR.

Binigyang-diin ng CHR ang pangangailangang matugunan ang mga human right violations sa Mindanao bukod pa sa hindi naman anila mabubura ng pagpapalawig sa martial law ang mga pang-aabuso rito.

Tinukoy ng CHR ang mga hinaing ng mga tao na nawalan ng tirahan sanhi ng limang buwang sagupaan sa Marawi City sa pagitan ng ISIS at ng mga sundalo kung kaya’t marami dito ay nanirahan sa kalapit na probinsiya at sa Metro Manila.

Sinabi pa ng CHR, na kailangan umanong imbestigahan ang alegasyon ng pagnanakaw ng mga sundalo bukod pa sa nangyari umanong arbitrary arrests, military harassment, torture, extrajudicial killings (EJKs) at iba pa.

Magugunita na inaprubahan ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Duterte na palawigin pa ang martial law sa Mindanao ng isang taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?