177

Jan 15, 2019 @ 14:02

DFA babalikatin ang repatriation ng Pinoy couple na nalunod sa Maldives

Hindi na umano itutuloy ng mga kaanak at kaibigan ng mag-asawang Pinoy na nasawi sa pagha-honeymoon sa Maldives ang kanilang fundraising dahil nangako na ang Department of Foreign Affairs (DFA) na sasagutin lahat ang gagastusin sa repatriation nito.

Naging trahedya ang honeymoon sana nina Erika at Leomer Lagradilla matapos silang malunod habang nag-snorkeling sa isang resort sa Dhiffushi Island.

Hindi malinaw ang ibang detalye hinggil sa insidente dahil hindi pa umano kinokontak ang pamilya ng mag-asawa ng hotel na tinuluyan ng mga ito, ayon sa kapatid ni Leomer na si Mhapolle Lagradilla sa panayam sa dzmm.

Sabi naman ng kaibigan ng mag-asawa na si Nikko A. Quiogue sa kanyang FB post, nagkaroon umano ng meeting ang pamilya nina Leomer at Erika sa DFA, kung saan iso-shoulder na umano ng ahensiya ang gagastusin para maiuwi sa bansa ang bangkay ng mag-asawa.

Nauna rito, nagsimulang mangalap ng pondo ang pamilya at mga kaibigan ng mag-asawa online dahil nangangailangan ng P1.2 milyon umano para maiuwi ang mga labi sa bansa dahil pumapatak na P634,000 ang kada labi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?