95

By

Dextrose ng mga convicted drug lord lagyan ng pampatulog – Bong Go

Dapat umanong lagyan ng pampatulog ang dextrose ng mga convicted drug lord na nagkukunwaring may sakit para lang ma-confine sa New Bilibid Prison (NBP) hospital, ayon kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

“Kung nagpapa-dextrose nang sobra sa isang buwan, baka ‘di na kayo magising; baka may pang-dextrose na pwedeng pampatulog nang habambuhay. ‘Yung mga drug lord gustong bumili ng hospital pass, sabihin n’yo lang po,” pahayag ni Go sa panayam sa dzBB.

Sabi ng senador, ilang mga high profile inmate, partikular ang mga drug lords, ang nagagawang bumili ng hospital pass para lang ma-admit sa NBP hospital.

Ang mga nagbabayad na preso ay nagagawa umanong manatili sa ospital nang hanggang walong buwan kahit pangkaraniwan lamang ang sakit ng mga ito, tulad ng pananakit ng tiyan.

“Sa ngayon, hindi natin alam kung magpapatuloy pa rin sila. Kung sakaling magpatuloy sila, bahala sila,” sabi ni Go.

Kapag nakalabas na sa loob na ng ospital ang mga preso, pinapayagan na umano ang mga ito ng gumamit ng cellphone.

“Minsan may gumagamit pa ng telepono, nakikipagtransaksyon pa, tumatawag pa. Ano ibig sabihin nito? Bakit pinapayagan gumamit ng telepono at ilang buwang naka-admit dun? Hindi lang po sa admission sa NBP hospital, pati rin yung gustong magpa-admit sa ibang ospital sa labas,” ani Go.

“’Yung iba, sobra-sobra–‘yung mga drug lord, ilang buwan sila sa labas at babalik na naman dyan sa ospital, dyan sila mananatili at patuloy ang kanilang transaksiyon,” wika pa nito.

Samantala, naniniwala naman si Go na kayang putulin ni newly-appointed Bureau of Corrections Director-General Gerald Bantag ang lahat ng iligal na gawin sa loob ng ahensiya.

“Malaki ang tiwala ko sa bago nating BuCor chief, si Dir. Gen. Bantag, na ipapairal niya at magiging strikto siya sa pagpapatupad ng batas, at wala nang makakalusot na ganung mga illegal transaction. Ako naman ay nanawagan kay Bantag na mataas ang expectation ng mamamayan sa kanya,” sabi ni Go.

“Para sa akin, ang ospital ay para sa may sakit, hindi para sa mga drug transaction. Huwag nating gamitin sa illegal drug trade ang mga ospital,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?