67

Oct 16, 2017 @ 17:44

Destabilisasyon, imahinasyon lang Mayor Sara – Alejano

Bunga lamang ng imahinasyon ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pahayag nito na mula sa hanay ng mga taga-oposisyon ang nilulutong destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit ni Magdalo Rep. Gary Alejano, mismong ang defense at security agencies na ang nagsabi na walang anumang tangkang destabilisasyon laban sa gobyerno.

Naniniwala si Alejano na diversionary tactic ang ginagawa ni Mayor Sara para iligaw ang isyu sa pagtanggi ng kanyang ama na pumirma sa waiver at patunayang wala silang tagong yaman.

“Mayor Sara Duterte’s remarks on supposed destabilization are mere diversion from the issue of his father not signing a bank waiver regarding their family’s hidden wealth,” ayon kay Alejano.

Pero sabi ng kongresista, anumang paglilihis ang gawin ng pamilya Duterte ay hindi na mabubura ang katotohanan na ayaw nilang harapin ang isyu.

Malinaw anya ang pag-iwas ng pangulo na ginawa na ang lahat nang pagtanggi at pagsisinungaling pero hindi magawang patunayan na wala nga siyang itinatago.

“Ang tapang-tapangan na kanyang pinapakita ay kanyang defense mechanism lamang. Ang kanyang pagsisinungaling sa publiko, maging ang kanyang pag-amin na magaling siyang magdrama ay nagpapatunay na mahirap pagkatiwalaan ang kanyang mga salita,” sabi ni Alejano. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?