By

Desisyon ng Hawaii Court pabor sa human rights victims, ‘di pwede sa Pinas – CA

Sharing is caring!

Pinanindigan ng Court of Appeals (CA) ang nauna nitong desisyon na hindi maaaring ipatupad sa Pilipinas ang desisyon ng hukuman sa Hawaii sa Estados Unidos noong 1995 na nag-aatas na mabayaran ng dalawang bilyong dolyar na danyos ang libu-libong biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong rehimeng Marcos.

Ito ay makaraang ibasura ng CA Former Twelfth Division ang motion for reconsideration na inihain ng mga human rights victim sa pangunguna nina retired Judge Priscilla Mijares, dating Commission on Human Rights Chairperson Loreta Ann Rosales, Film Director Joel Lamangan, Hilda Narciso at Mariano Dimaranan na kumakatawan sa mga claimant sa MDL 840.

Ang MDL 840 ay ang docket number na ibinigay sa class suit na inihain sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Alien Tort Statute kung saan noong February 3, 1995 ay nagpalabas ng desisyon si Hawaii District Court Judge Manuel Real na naggagawad ng $1.96 billion pabor sa mga nagsulong ng reklamo.

Ang nasabing desisyon ng Hawaii Court ay pinagtibay ng US Court of Appeals noong December 17, 1996.

Sa tatlong-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Normandie Pizarro, tinukoy ng CA na nabigo ang Hawaii Court na bigyan ng pagkakataon ang mga hindi pa tukoy na mga claimant para sa “full rehabilitative potential litigation” at hindi din nabigyan ng pagkakataon ang Marcos Estate na makompronta ang bawat claimant.

Tinukoy ng CA na ang desisyon ng Hawaii Court ay hindi “binding” o hindi maaaring ipatupad sa Pilipinas dahil nalabag ang “right to due process” ng parehong panig.

Pinagtibay lamang ng CA ang nauna nang desisyon ng Makati Regional Trial Court na hindi maaaring pairalin sa Pilipinas ang Hawaii Court judgment dahil sa kawalan ng hurisdiksyon at paglabag sa due process. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?