117

Jul 22, 2019 @ 22:50
By

Deputy speakership tinanggihan ni Velasco

MANILA – Nais munang bumalik ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang chairman ng House Energy Committee habang ginugugol ang susunod na 15 buwan bago umupong Speaker ng Kamara sa susunod na taon.

Sa isang ambush interview, inilahad ni Velasco na inalok siya ni bagong House Speaker Alan Peter Cayetano na maging isa sa kanyang mga Deputy Speaker habang pinapalipas ang unang bahagi ng kanilang term-sharing deal para sa liderato ng Kamara ngayong 18th Congress.

“I was asking for the Energy Committee… they were actually offering me a deputy speaker but I said na I rather work with my former energy committe,” saad ni Velasco.

Subalit mas makabubuti umano ayon kay Velasco kung babalik muna siya bilang chairman ng energy panel dahil marami pa siya pwedeng gawing kapaki-pakinabang para sa bayan sa sinabing komite.

“I have a lot to do with the energy sector,” saad pa ng kongresista.

Ayon kay Velasco, malalaman sa Martes kung pagbibigyan sa plenaryo ang kanyang hiling na muling hawakan ang Energy Committee.

Bilang chairman ng Energy Committee nitong nagdaang 17th Congress, pinangunahan ni Velasco ang pagpapasa sa Energy Efficiency and Conservation Act na layuning tugunan ang problema sa kakulangan ng kuryente sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Samantala, tiwala si Velasco na tutupad si Cayetano sa kanilang nauna nang napagkasunduan sa 15-21 term-sharing deal sa speakership na mismong suhestiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“You know, we had a gentlemen’s agreement. So I’ll respect the 15 months of Speaker Alan Peter Cayetano and hopefully by the 15th months, he said he would step down. And then, like what I’ve said again, we still go back to an election for the next House Speaker,” saad ni Velasco.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?