251

Oct 6, 2021 @ 15:12
By

Deputy Speaker Gonzales nais manatili sa Kongreso

Naghain ng kanyang certificate of candidacy si House Deputy Speaker Neptali Gonzales II at muling tatakbo sa pagkakongresista ng Mandaluyong City.

Ayon kay Gonzales, miyembro ng National Unity Party (NUP), isusulong nito ang mas maayos na healthcare system at paglikha ng trabaho para sa kanyang mga constituents sa 19th Congress.

“I will relentlessly pursue the continuity of my compassionate and responsive programs to the needs of my constituents and betterment of Mandaluyong City in this time of COVID-19 pandemic,” sabi ni Gonzales, na House Majority Leader ng 11th, 12th, 15th at 16th Congresses.

Noong 2019, walang lumaban kay Gonzales at nakapagtala ito ng 127,268 boto, ang pinakamataas na boto na nakuha ng kandidato sa kasaysayan ng halalan sa Mandaluyong.

Ang chief of staff ni Gonzales na si Al Abainza ang naghain ng kanyang COC sa Commission on Elections (Comelec) National Capital Region (NCR) office sa Manila alas-8:46 ng umaga ngayong Miyerkoles.

Sumama naman sina Gonzales at kanyang misis na si dating Mandaluyong City Rep. Queenie Gonzales kina Mandaluyong City Mayor Carmelita Aguilar Abalos, dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr. at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos Jr. nang magtungo sa lokal na Comelec office.

Si Mayor Abalos ay tatakbo sa pagka-bise alkalde at ang dating Comelec chairman naman ang tatakbong mayor. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?