246

Nov 10, 2019 @ 15:01
By

Depresyon sinisi ni Gatchalian sa social media

Dapat umanong ituro ng Department of Education (DepEd) ang responsableng paggamit ng social media bilang bahagi ng pangangalaga sa kalusugan ng isip o mental health, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ito’y dahil umano sa pagkakaugnay ng social media at internet sa pagtaas ng mga kaso ng depresyon at anxiety sa mga kabataan.

Nauna nang sinabi ni Dr. Cornelio Banaag, Jr. ng Medical City ang kakulangan sa tulog bilang epekto ng lubos na paggamit ng smartphone.

Paliwanag niya, madaling magkaroon ng anxiety at depresyon ang mga kabataang madalas na napupuyat.

“Babala ng mga eksperto, ang pagbababad sa social media ang isang pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang mga kabataang dumaranas ng anxiety at depresyon,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture

“Nakakabahala ito lalo na’t nababansagan tayong social media capital of the world, kaya naman mahalagang maituro natin ang wastong paggamit ng internet at social media,” dagdag.

Sabi ng Department of Health, humigit-kumulang 3.3. milyong Pilipino ang may depressive disorders.

Sa isang pag-aaral naman ng World Health Organization, sa mahigit 8,000 mag-aaral sa Pilipinas, halos 17 porsiyento ng mga mag-aaral na may edad 13-17 ang nagtangkang magpakamatay.

Noong Marso, isang mag-aaral sa Grade 10 mula sa Sorsogon City ang sinasabing nagpakamatay sa loob ng kanilang tahanan at isa sa mga itinuturong dahilan ay depresyon.

Ikinabahala ng DepEd ang mga ganitong pangyayari kaya naman isinama na ng mga opisyal nito ang usapin ng mental health sa kanilang pangunahing programa na Oplan Kalusugan o OK.

Ani Gatchalian, maaaring palakasin ang programang ito upang magpalaganap ang kaalaman at magabayan ang mga batang nangangailangan ng tulong.

Kailangan na rin umanong ibalik ang subject na Good Manners and Right Conduct o GMRC sa mga paaralan at pwede na nitong saklawin ang pagtalakay sa responsableng paggamit ng social media.

“Dahil hindi nababantayan ang ilang kabataan sa paggamit nila ng internet, nagkakaroon sila ng destructive and violent behaviour,” ani Gatchalian.

“Kung gusto nating maging relevant ang panukalang GMRC subject, kailangan suriin natin kung paano tatalakayin ang paggamit ng internet at social media,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?