107

Nov 3, 2018 @ 20:19

Deportasyon ni Fox, babala sa mga dayuhan – Palasyo

Dapat magsilbing babala sa mga dayuhang nasa bansa ang pagpapadeport ng gobyerno sa Australyanang misyonaryo na si Sister Patricia Fox.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mayroong limitasyon ang mga prebilihiyong tinatamasa ng mga dayuhang nasa bansa at katulad ni Fox, nilabag nito ang ilang kundisyon sa pananatili sa bansa.

“The departure of Sister Patricia Fox is a timely reminder to all foreigners who stay or sojourn in this country that they are not entitled to all the rights and privileges granted to the citizens of the Philippines,” ani Panelo.

Hindi aniya maitatanggi ni sister Fox ang mga pagsali nito sa mga kilos protesta para isulong ang kanyang adbokasiya na malinaw na paglabag sa Operations Order no. 025 ng Bureau of Immigration na inaprubahan ni dating Justice Secretary Leila de Lima.

Sinabi ni Panelo na pinaglaruan ni Sister Fox ang batas ng Pilipinas at inabuso nito ang hospitality ng bansa

“Her participation in protest rallies violated the conditions of her stay thereby mocking our laws, and abusing the hospitality extended to her by the host country,” dagdag pa ni Panelo.

Sa kabila nito, ibinigay pa rin aniya ng gobyerno ang due process kay Sister Fox hanggang sa mag-expire ang visa nito ngayong Linggo.

Hangad ng Palasyo ang maayos na biyahe ni Fox pabalik sa Australia at pinayuhang sumunod sa batas saan mang bansa ito magpunta.

“We wish Sister Fox well in her travel and we thank her for whatever good deeds she has performed during her stay in the country. Our advice to Sister Fox is to follow the law whether here or elsewhere. Otherwise, the law of cause and effect will operate against her, as it did in this particular instance,” wika pa ni Panelo. (Aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?