245

Sep 28, 2018 @ 18:00
By

Depensang Ayo bitbit sa Munti

Sa unang pagsalang ni Aldin Ayo bilang bagong head coach ng Muntinlupa Cagers ay agad nitong tinulungan ang tropa na maituloy ang kanilang winning-streak sa MPBL Datu Cup nang padapain ang Basilan Steels 99-75 Huwebes nang gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium.

Pinalitan ni Ayo bilang coach ng Cagers si Aldrin Morante.

Depensa ang pangunahing taktika ni Ayo na agad naman niyang nagamit sa Cagers na hindi pinaiskor ang kanilang kalaban sa loob ng apat na minuto ng third canto at nagbigay sa kanila 66-51 na kalamangan sa tulong ng 18-0 run nila at hindi na muling nakabalik ang Steels.

Na-extend ng Cagers ang kanilang winning-streak sa walo at sila na lang ang natitirang tropa sa liga na wala pang talo na may 8-0 na baraha habang bitbit naman ng Basilan ang 4-10 marka.

Sa ibang laro naman ay pinadapa ng Bulacan Kuyas ang Imus Bandera 117-113 para iposte ang 7-3 kartada.

Gumawa rin ng record ang Bulacan bilang kauna-unahang tropa na nakapagtala ng most points sa unang quarter na may 38 at ang pinagsamang 230 ng dalawang koponan ay nagtala rin ng bagong record sa liga.

Bukod dito, nakapagtala rin ng record si JR Taganas bilang kauna-unahang manlalaro na pumoste ng 26 na rebounds sa isang laro at nabura nito ang record ni Mark Yee na 24.

Nakabawi rin ang Bulacan matapos ang pagkatalo nito sa GenSan Warriors sa huli nitong laban.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?