172

Sep 27, 2020 @ 12:57
By

DepEd dumistansya sa malaswang learning module

Isang pribadong Catholic school sa Zambales ang gumawa ng learning module na binatikos sa social media dahil sa “dirty names” na nakasaad doon.

Ayon ito sa pahayag ng Department of Education (DepEd) noong Biyernes.

“Nais ipabatid at linawin ng Kagawaran ng Edukasyon na ang kumakalat na viral na larawan ng pahina ng modyuls na naglalaman ng ‘di kaaya-ayang paggamit ng ilang salita ay hindi nagmula at hindi inilimbag ng Kagawaran,” sabi ng DepEd, Setyembre 25.

“Gayumpaman, ang ganitong uri ng maling gawain ay walang puwang sa anomang kagamitang pang-edukasyon ng Kagawaran, pampubliko man o pribado. Makaaasa ang publiko na gagawin ng DepEd ang mga legal na hakbang upang tugunan ang kamaliang ito,” dagdag pa ng Kagawaran.

Kumalat ang larawan ng isang pahina ng nasabing module na sa choices ay may likhang mga pangalan na “Pining Garcia”, “Abdul Salsalani”, “Malou Wang”, at “Tina Moran”.

Samantala, humingi ng tawad ang Association of Catholic Schools sa Diocese of Iba, Zambales sa nasabing learning material na para sa isang philosophy subject na ituturo sa mga senior high school student via distance learning.

Ayon sa superintendent ng asosasyon na si Fr. Raymann Catindig, binawi na nila ang module at hinahanda na ang bagong version na ipamamahagi sa susunod na martes.

Ang nasabing malaswang version ng module ay napaulat na mula sa isang guro sa bayan ng Palauig, Zambales.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?