80

Mar 10, 2020 @ 15:26
By

DepEd: Dahil 1 linggo walang pasok, mga estudyante bigyan ng assignment

Inoobliga ng Department of Education (DepED) ang mga guro na makipag-ugnayan sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng assignment sa panahon ng isang linggong walang pasok dulot ng pagsisiguro sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ayon kay Undersecretary for Finance Annalyn M. Sevilla, kailangang dapat may gawin ang mga guro at estudyante sa panahon na walang pasok kaya kailangan nila ng home study na tinatawag nilang Alternative Delivery Mode (ADM).

“Yes, home study. We call it Alternative Delivery Mode (ADM). Because the announcement of PRRD was made just last night and DepEd is meeting the RD’s now to implement the ADM,” ayon kay Usec. Sevilla.

Nabatid na ilan sa mga private school ay nakatakdang bigyan ng assignment sa pamamagitan ng pag-email sa mga magulang o estudyante para maging abala ang mga estudyante at hindi mablangko pagdating sa pagbalik sa klase.

Habang nasa pag-aaral pa ng DepEd kung mabibigyan ng assignment ang mga estudyante ng mga public school dahil karamihan sa mga mag-aaral ay hindi nakakagamit ng email o WiFi habang pinag-aaralan pa ang pakikipag-ugnayan ng mga guro sa kanilang mga estudyante para maihatid ang assignment o project para may mapagkaabalahan ang mga mag-aaral habang walang pasok.

Samantala, nagkasundo ang DepEd at DOH na ipatupad ang linggong walang pasok para masiguro na ligtas ang kabataan na kung saan kabilang dito ang lahat ng levels sa private at public schools sa National Capital Region (NCR) mula March 10 hanggang March 14, Sabado.

Ginawa ang kanselasyon ng klase matapos ang naganap na pulong sa pagitan ng DepEd, Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF) sa Malacañang Palace.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Magtolis-Briones, isinaalang-alang nila ang kaligtasan ng mga estudyante kaya sumang-ayon siya matapos susugin ng DOH na malalagay sa peligro ang kalusugan ng mga estudyante.

Tinukoy ni Secretary Briones na kailangang maging epektibo ang IATF na kung saan kailangang ipagbawal ang mga mag-aaral sa mga matataong lugar na tulad ng malls, movie houses, markets at manatili na lamang sa bahay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?