520

Oct 29, 2019 @ 16:49
By

Department of Water, solusyon sa water crisis – Tolentino

Muling kinalampag ni Senador Francis Tolentino ang Senado kaugnay ng kanyang panukala na naglalayong magtatag ng Department of Water na siyang pangunahing tutugon sa nararanasang kakulangan sa suplay sa tubig sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

Ayon kay Tolentino, priority bill umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panukala kaya’t umaasa siyang uumpisahan ng Senate committee on public services ang pagdinig tungkol dito.

“Priority bill po ‘to ng Pangulo, siguro dapat talaga mauna na ito. Dahil ang sinasabi ko lagi, hindi lang ito Metro Manila, hindi lang ito ‘yung usapin ng nasasakupan ng Maynilad, Manila Water,” sabi ni Tolentino sa panayam sa DZRH.

“Nationwide po ang water shortage kaya napakalaking bagay na magkaroon tayo ng kagawaran ng patubig. Hindi lang ito sa ngayon kundi ‘yung long-term natin na pangangailangan,” dagdag pa nito.

Mas makabubuti aniyang magkaroon ng na kagawaran sa tubig para mapigilan ang posibleng pagkakaroon ng krisis sa tubig sa taong 2050.

Ayon kay Tolentino, sa kasalukuyan ay may siyam na milyong bahay sa buong Pilipinas ang walang gripo sa kanilang mga bahay.

“Kapag pinagsasama pati na ang paglobo ng populasyon, pangangailangan sa manufacturing, sa agrikultura, sa household, kukulangan talaga sa suplay,” ani Tolentino.

Sa ilalim ng panukala ni Tolentino, pag-iisahin na ang function ng mga water agency tulad ng National Water Resources Board, Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Local Water Utilities Administration.

“Ang gusto ko pong mangyari ngayon, ‘yung water district natin, ‘yung National Water Board, ‘yung National Irrigation Authority, siguro pag-isahin na po lahat iyan,” paliwanag ng senador.

Sabi ni Tolentino, hindi lang umano ang Metro Manila ang may kakulangan sa suplay ng tubig dahil ang ilang lugar sa Visayas at Mindanao ay may kinakaharap ding ganoong problema.

“Sa Zamboanga City, maging sa ilang areas sa Cebu may kakulangan din sa tubig. At hindi po sakop ‘yan ng Maynilad o ng Manila Water,” sambit pa nito.

Samantala, suportado naman ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang panukalang pagtatayo ng Department of Water.

“Suportado ko ang panukalang pagpapatayo ng Department of Water upang merong iisang ahensya ng pamahalaan na nakatutok sa pangangasiwa ng yamang tubig ng bansa,” sabi ni Go.

“Kailangang maging mas mabilis, mas maayos at mas maaasahan ang pagresponde ng gobyerno pagdating sa pangangailangan ng ating mga mamamayan sa malinis at sapat na tubig,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?