91

Oct 31, 2019 @ 15:59
By

Department of Water ilulusot bago mag-Pasko

Magiging pamasko ng liderato ng Kamara kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpasa sa panukalang batas na magtatatag para sa Department of Water.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na ang Department of Water ang medium term plan ng Duterte administration para magkaroon ng kaunting ginhawa sa nararanasang problema sa kakapusan ng supply ng tubig lalo na sa Metro Manila.

Ayon kay Nograles, nangako si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Duterte na tatapusin niya ang panukala bago mag-Pasko at sisikaping makalusot ito sa third reading.

“Yung sa Department of Water, ang promise po ni Speaker Cayetano ay tatapusin niya itong panukala bago mag-Pasko. So pagbalik nila from November to December ay maaaring maaprubahan na ‘yan on third reading sa House of Representatives,” ani Nograles.

Pagkatapos aniya ng Pasko ay ang mga senador naman ang didinig sa panukalang Department of Water para kung sakaling mapagtibay ito ay agad na pipirmahan ni Pangulong Duterte.

“Pagbalik natin after Pasko ‘yung Senado na lang ang kukumpleto niyan para mapirmahan na agad ni Pangulong Duterte,” dagdag pa ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?