438

Oct 19, 2017 @ 17:46

DENR naghahanap ng bagong tambakan ng basura

Namumrublema ang Department of Environment and Natural resources kung saan makahanap ng lugar para maging bagong tambakan ng basura ng mga taga-Metro Manila.

Ito ay matapos ipasara ng DENR ang Payatas landfill sa Payatas, Quezon City dahil umapaw na ang basura na maaaring magdulot ng panganib at disgrasya sa mga residenteng nakatira sa paligid nito.

Sinabi kahapon ni DENR Secretary Roy Cimatu, hindi nila gugustuhing maulit ang nangyaring insidente noon sa Payatas na nagresulta sa pagkamatay ng maraming residente matapos mapatunan ng tone-toneladang basura.

Ayon sa kalihim, halos apat na tonelada ng basura kada araw ang hinahakot na basura sa Metro Manila kaya mabilis na mapuno ang mga tambakan ng basura.

Sa ngayon aniya ay sa Rodriguez sanitary landfill sa Rodriguez, Rizal itinatambak ang mga basura at mayroong hanggang 2022 na lamang ang itatagal nito kayat bago mapuno ay kailangang makahanap na sila ng bagong landfill.

“We have to close Payatas landfill because it already exceeded its limit. Mabigat na problema ang ating ano eh, basura eh. As of now, we are experiencing mga 4,000 tons of garbage a day — 4,000 tons.

And really kung saan mo ilalagay ‘to. It is really a problem. Buti na lang meron tayong mga alternative in Rodriguez landfill at saka itong Navotas for the Metro Manila residents,” ang pahayag ni Secretary Cimatu. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?