32

Sep 13, 2021 @ 19:38
By

DENR gagastos ng P1B sa pagbuhay sa Manila Bay

May nakalaang P1 bilyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagpapatuloy ng rehabilitasyon ng Manila Bay sa susunod na taon.

Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations ngayong Lunes, nagtanong si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite kung magkano na ang nagastos ng DENR sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Mula 2019, sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leones na gumastos na ang DENR ng P3 bilyon.

“At ngayon for 2022 we are requesting for another billion to continue the rehabilitation of Manila Bay,” sabi ni Leones.

Ayon kay Leones, matapos lumabas ang Administrative Order 16 na nagpapabilis sa rehabilitasyon ng Manila Bay, gumawa ang inter-agency task force ng plano at umabot sa P43 bilyon ang gugugulin dito.

“Based po sa mga planning ng inter-agency nag-come up po kami ng P43 billion which comprise of different solutions that will address the rehabilitation of Manila Bay kasama po rito yung mga plano po natin na relocation ng informal settlers restoration ng water quality ng buong Manila Bay, which includes different river systems and esteros and creeks…. Hindi po natin matatapos ngayon ang rehabilitation but this will continue until the next years to come even beyond this administration,” paliwanag ni Leones.

Dahil sa kakulangan ng oras, humingi na lamang si Gaite ng report mula sa DENR kaugnay ng paggastos na ginawa ng gobyerno sa Manila Bay rehabilitation project.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?