35

Sep 15, 2021 @ 17:26
By

Dennis Uy-Shell deal sa Malampaya rerepasuhin

Magsisimula na ulit ang Philippine Competition Commission (PCC) na magbusisi ng mga tinatawag na merger and acquisition (M&A) dahil nag-expire na ang moratorium sa pagrepaso ng mga ito sa ilalim ng Bayanihan 2.

Kasama sa mga mabubusisi na ay ang pagbili ni Dennis Uy ng 45% na interes ng Shell Exploration BV sa Malampaya na inanunsiyo noong Mayo na nagkakahalaga ng $380 milyon.

Sabi ng PCC kahapon, apat lamang ang malalaking M&A na obligado itong repasuhin at aprubahan.

Ang M&A o ang pagbili ng mga kompanya ng iba pang mga kompanya at pagsasailalim nito sa iisang kompanya ay dapat pinapaalam sa PCC kung lampas ang halaga nito o aabot sa P50 bilyon.

Sabi ng PCC, apat na transaksiyon lamang ang lumampas sa P50 bilyon.

Paliwanag ng ahensiya, kumonti ang tinimbre ritong M&A simula nang magkaroon ng pandemya sa COVID-19.

Ngayong taon, apat lamang ang tinimbreng M&A sa kanila. Noong 2020, nasa 26 lamang ang notification na tinanggap nila samantalang nasa 46 ang mga notification para sa M&A noong 2019.

Ngayong tinanggal na ang suspensiyon, sinabi ni PCC chair Arsenio Balisacan na makapaglulunsad na ito ng mga motu propio review o mga pag-aaral na kusang gagawin ng komisyon.

Sa motu propio review, maiimbestigahan ng PCC ang transaksiyon kung madedehado dito ang mga konsyumer para mabawi ito o ayusin upang hindi lugi ang publiko katulad ng nangyari nang repasuhin nito ang pagbili ng Grab sa Uber noong 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?