77
dengvaxia
By

Dengvaxia report ni Gordon, publicity stunt vs Noynoy – Trillanes

Sharing is caring!

Sinabi ni Senador Antonio Trillanes na publicity stunt lang ang pagpapalabas ni Senador Richard Gordon ng draft committee report ukol sa kontrobersyal na Dengvaxia.

Gusto lang umano ni Gordon na sirain ang pangalan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa draft report ni Gordon, na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, pinakakasuhan ng katiwalian si Aquino gayundin sina dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Florencio Abad dahil nagsabwatan diumano para apurahin ang pagbili ng Dengvaxia bagaman hindi pa iyon garantisadong ligtas na ibakuna.

Iginiit ni Trillanes na nasa isip lang ni Gordon ang sinasabi nitong sabwatan at malisya sa pagbili ng Dengvaxia.

Hindi naman umano sasadyain nina Aquino na bumili at magpaturok ng Dengvaxia sa mga bata kung alam na iyon ay makamamatay dahil genocide ito o maramihang pagpatay kung totoo.

Sa tantiya ni Trillanes, hindi papasa ang draft report ni Gordon kapag isinalang sa plenary debates ng Senado.

Tumanggi naman si Gordon na patulan pa si Trillanes na dati na nitong kabangayan.

Samantala, umayon naman si Trillanes na dapat kasuhan ang Sanofi Pasteur kapag napatunayang may namatay na bata dahil sa Dengvaxia.

Sa ngayon, masasabi naman umano na may mental dishonesty ang Sanofi dahil hindi nito agad na ipinagtapat sa gobyerno ang panganib ng pagtuturok ng Dengvaxia sa hindi pa dinadapuan ng dengue.

Kung ipinagtapat iyon ng Sanofi at itinuloy pa rin ng Department of Health ang pagbili ng bakuna, doon na aniya maaaring akusahan ang mga opisyal ng negligence o kaya ay ng genocide o mass murder.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?