gordon
By

Dengvaxia report naisampa na ni Gordon

Sharing is caring!

Pormal nang naihain ni Senador Richard Gordon ang Senate blue ribbon committee report ukol sa kontrobersiyal na bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Napatatakan na ito ni Gordon kahapon bilang Committee Report Number 368 dahil pirmado na ng 14 na mga senador na kasapi ng Blue Ribbon.

Ayon sa senador, chairman ng komite, maisasalang na ito sa debate sa loob ng Senado.

“I am happy na pag-uusapan na sa floor kasi diyan naman talaga dapat mag-debate, hindi naman sa labas. We should debate within the chamber and within the rules,” diin ni Gordon.

Matatandaan na noong ilabas niya ang draft report, bumuhos ang kritisismo lalo na buhat sa mga kaibigan ni dating Pangulong Benigno Aquino III na inirekomenda niyang sampahan ng kasong katiwalian dahil kasabwat aniya sa pag-aapura sa pagbili ng Dengvaxia.

Idiniin naman ni Gordon na walang pulitika sa isinagawa nilang imbestigasyon at sa binalangkas niyang committee report.

Mariin nitong sinabi na ang pakay sa isinagawa nilang imbestigasyon ay ang proteksyon ng mga batang naturukan ng Dengvaxia at upang mailayo sa pulitika ang Department of Health (DOH).

Layunin din umano nila sa Senado na siguraduhing hindi mauulit ang kontrobersya na tulad sa pagbili ng Dengvaxia.

Tinukoy na isa sa mga rekomendasyon sa Blue Ribbon report ang paglalaan ng badyet para maipasuri ang mga batang nabakunahan upang matunton ang mga seronegative o hindi pa nagka-dengue.

Inirekomenda rin na gamitin sa pagbabantay at pagpapagamot ng magkakasakit dahil sa Dengvaxia ang bahagi ng P1.2 bilyon na isinauli ng Sanofi Pasteur, manufacturer ng bakuna.

Nakapaloob din sa report ang rekomendasyon na kasuhan ng katiwalian sina dating Pangulong Aquino, dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Florencio Abad, Philippine Children’s Medical Center Director Julius Lecciones at iba pang mga opisyal ng DOH at Food and Drug Administration dahil minadali umano ang pagbili at pagpapaturok ng Dengvaxia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?