112

Dec 18, 2017 @ 13:01
By

Dengvaxia batbat ng kasinungalingan — ex-DOH Usec. Herbosa

Maraming kasinungalingan ang bumabalot sa pagbili ng nakaraang Aquino administration sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Ito ang sinabi ni dating Health Undersecretary Ted Herbosa sa pulong-balitaan sa lungsod ng Maynila, bilang reaksiyon sa kontrobersiya sa naturang dengue vaccine.

Ayon kay Herbosa, kung susundin ang tamang proseso sa pag-apruba ng isang gamot o bakuna dapat ay dumaan ito sa 3-phases kung saan ang pinakahuli ay ang tinatawag na clinical trial.

Nakapaloob din sa proseso ang pagsusuri ng Philippine Drug Formulary bago bigyan ng sertipikasyon ang isang gamot o bakuna tulad ng Dengvaxia.

Nabatid na hindi pa man natatapos ang clinical trial, sinabi ni Herbosa na Disyembre noong 2015 ay inaprubahan na ito bilang bakuna sa halip na nito lamang dapat Nobyembre ng 2017 matatapos ang clinical tests.

Binigyan din umano ng Philippine Drug Formulary ng one-year exemption ang Sanofi Pasteur para lamang mairehistro kaagad ang Dengvaxia na malinaw na may paglabag sa mga panuntunan ng pagsesertipika ng mga medisina.

Maliban dito, sinabi ni Herbosa na nakapagtataka rin ang mabilis na pag-apruba ng Department of Budget and Management sa hiniling na pondo ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng noo’y kalihim na si Janette Garin na aabot sa P3.6 bilyon.

Nagtataka rin si Herbosa sa mabilis na pag-deliver ng Sanofi ng mga inorder ng DOH na Dengvaxia.

Ayon sa kanya, Marso 8 ng 2016 ay may purchase order na ang DOH na aabot sa isang milyong Dengvaxia vaccines sa Sanofi at pagsapit ng Marso 18, 2016 ay nai-deliver na ito ng kumpanya.

Hinala ni Herbosa, marahil ay mga lumang stocks ang unang batch na ibinenta sa DOH ng Sanofi dahil sa mabilis na pag-deliver nito sa mga inorder ng kagawaran. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?