76

Dec 4, 2017 @ 12:41
By

Dengue vaccine scandal, pinasisiyasat ng DOJ sa NBI

Inatasan na ng Department of Justice kanina ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pagbili at paggamit ng dengue vaccine na ginamit sa daang libong mga bata sa bansa.

Ayon kay Secretary Vitaliano Aguirre II, inatasan niya ang NBI na siyasatin ang diumano’y banta sa kalusugan ng mga bata matapos maturukan ng ‘Dengvaxia’.

Kinuwestiyon ng kalihim ang pagbili ng nagdaang administrasyon ng P3.5 bilyong halaga ng dengue vaccine kahit na apat na buwan pa lamang itong nagawa ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng ‘Dengvaxia.’

Sinasabing mahigit sa 733,000 na mga bata na ang nabakunahan sapul nang simulan ito noong 2016.

“Tama ba ang pag-order kaagad ng ganito karaming vaccine na worth P3.5 billion? Na naturukan agad ang 733,000 children, tama ba ito, kahit apat buwan pa lang nama-manufacture ito?,” pahayag ni Aguirre sa mga reporters.

“Nagkaroon ng parang warning yung Sanofi Pasteur, yung manufacturer, sa government officials kaya ang susunod na tanong ay nasunod ba?

O naiparating ba ito sa karamihan ng nasa DOH? Kung itong warning ng Sanofi ay talagang naibigay at kung naibigay, ito ba ay talagang naipatupad ng ating DOH officials,” saad pa nito. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?