131

Dec 1, 2017 @ 19:02
By

Dengue vaccine, midnight deal ng Aquino gov’t – Gordon

Bubuhayin ni Sen Richard Gordon ang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa pagbili ng Department of Health (DOH) ng Dengvaxia, ang kontrobersiyal na bakuna laban sa dengue.

Bunsod ito ng pag-amin ng drug manufacturer na Sanofi na may panganib sa kalusugan ang pagbabakuna ng Dengvaxia sa mga batang hindi pa nagkakasakit ng dengue.

Nagsagawa na ng pagdinig dito ang Blue ribbon committee kasunod ng privilege speech ni Gordon noong Setyembre 2016 kung saan kaniyang pinalutang ang posibilidad na midnight deal ang pagbili ng bakuna noong Aquino administration at hindi pa noon garantisadong ligtas gamitin.

Nagbabala na noon si Gordon ng panganib ng paggamit sa bakuna pero nag-eksperimento pa rin ang Aquino administration at paunang pinaturukan nito ang 280,000 mga bata.

Sa timeline noon ni Gordon, tinukoy na Nobyembre 2014 nung ikinunsidera ng DOH ang national vaccination program na sinundan ng dokumentasyon noong Hunyo 2015.

Disyembre 2, 2015 nung makipagpulong si dating Pangulong Benigno Aquino III sa mga opisyal ng Sanofi nung dumalo ito sa Climate Change Summit sa France sinundan ng approval ng Food and Drugs Administration ng approval sa bakuna noong Disyembre 2015.

Disyembre 29, 2015, ipinalabas ng Department of Budget and Management ang P3.5 bilyon para sa bakuna. Hinugot ang salapi sa savings noon kaya hindi dumaan sa Konggreso.

Ayon kay Gordon, totoo namang dapat umagap ang gobyerno para maiiwas ang mga bata sa dengue pero mahalagang malaman ang pag-aapura sa pagbakuna nito sa kabila ng babala noon ng World Health Organization (WHO) na hindi pa garantisado ang kaligtasan nito.

Sa pag-aaral ng Sanofi, natukoy na epektibo ang bakuna sa mga nagkasakit na ng dengue pero maaring magdulot ng sakit kapag sa hindi pa nagkaka-dengue. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?