60

By

Dengue vaccination program ng DOH, sisilipin ng Kamara

Sharing is caring!

Naghain ng resolusyon si Quezon City Rep. Winston “Winnie” Castelo para imbestigahan ng Kamara ang “dengue vaccine fiasco” na naglagay sa panganib sa kalusugan at buhay ng libo-libong batang Pilipino.

Pinakikilos ni Castelo ang House committee on health para silipin ang dengue vaccination program ng Department of Health kung dumaan sa masusing risk-benefit analysis, kung sino ang dapat managot, at kung paano maiibsan ang panganib nito sa mga nabakunahan.

Sinunpinde ng DOH ang dengue vaccine program na pinasimulan noong nakaraang taon makaraang aminin ng pharmaceutical company na Sanofi, ang manufacturer ng vaccine na delikado ito at maaaring magdulot ng mas malubhang sakit sa mga nabakunahan na hindi pa dinapuan ng dengue.

“The program appears to have been rushed — without a complete assessment of the vaccine’s risks and benefits,” ayon kay Castelo.

Sabi ng kongresista, nagkamali ang DOH nang hindi ikunsidera ang long-term impact ng bakuna dahil hindi hinintay ang mga resulta at analysis ng anim na taong pag-aaral dito bago nagdesisyong isakatuparan ang malawakang vaccination program.

“Unless there was a compelling reason that outweighed the risks, a mass immunization program using a new vaccine should wait for complete results and analysis of long-term clinical data,” sabi ni Castelo.

Bukod sa nasayang aniya ang ang ginastos na P3.5 billion sa programa, nalagay pa sa alanganin ang kaligtasan ng may 800 libong bata na nabigyan ng dengue vaccine.

Plano ni Castelo na mag-imbita ng mga eksperto, kabilang ang mga taga-World Health Organization para magbigay-linaw sa isyu. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?