27

By

Dengue expert nagimbal sa mass immunization ng Dengvaxia

Sharing is caring!

Sinabi ng mga dayuhang medical experts na hindi dapat ura-uradang nagpa-mass vaccination ng Dengvaxia ang gobyerno.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Dr. Scott Halstead, eksperto sa Dengue buhat sa United States of America (USA), iginiit niya noon sa Sanofi Pasteur na isailalim muna sa blood test ang tuturukan ng Dengvaxia at huwag itong iturok sa seronegative o hindi pa nagkaroon ng dengue.

Laking gulat daw niya na natuloy ang mass vaccination dito sa Pilipinas kahit hindi natugunan ang kaniyang mga rekomendasyon.

Lumitaw na hindi muna sinuri ang dugo ng 830,000 na binakunahan ng Dengvaxia na karamihan ay mga bata.

May mga binakunahan din na hindi pa nagkaka-dengue o kaya naman ay hindi alam kung nagka-dengue na o hindi pa dahil hindi nasuri.

Sinabi ni Halstead na ibinabala nya noon na maaring magkaroon ng malalang sakit ang nabakunahan na seronegative.

Ayon din kay Dr. Antonio Dans mula sa National Academy of Science and Technology, sinabi rin nila noon na hindi dapat ibinakuna ang Dengvaxia sa seronegative at kumontra rin sila sa mass vaccination.

Pinuna rin na nagpabakuna na ang Department of Health (DOH) ng Dengvaxia samantalang hindi pa tapos ang ikatlong trial na isinagawa noon lang Nobyembre 2017.

Sinabi ni Dr. Dans na hindi dapat inirekomenda ng World Health Organization ang mass vaccination kahit pa sa mga lugar na laganap ang dengue.

Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, hindi nagkaroon ng ‘due diligence’ ang gobyerno sa mass vaccination.

Nagpadalos-dalos aniya dahil malamang na hinabol ng Aquino administration ang eleksyon at iba pang dahilan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?