11
demolition
By

Demolisyon sa Intramuros, Maynila ipinagpaliban

Sharing is caring!

Binalot ng tensyon ang isang bahagi ng Intramuros, Maynila kaninang umaga dahil sa ipatutupad sanang demolisyon sa bahay ng may 300 pamilya na umookupa sa isang pribadong property sa Legaspi Street, Barangay 654.

Ang paggiba sa mga bahay ay sa bisa ng writ of demolition na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 07 noon pang December 15, 2017 na tinatangkang maisakatuparan ngayong araw.

Salig ang writ of demolition sa desisyon ng Manila RTC noon pang September 16, 2010 na nagdedeklarang pag-aari ng LG Mathieson Development ang loteng kinatitirikan ng may 100 hanggang 300 bahay ng mga informal settler.

Nakasaad pa sa desisyon ng korte, kinakailangan ding magbayad din ang bawat residente na partido sa kaso ng tig-limang libong piso kada buwan magmula July 2008 bilang reasonable compensation dahil sa pag-okupa nila sa property nitong LG Mathieson Devt.

Ilan pa nga sa mga bahay ay umabot na ng ika-apat hanggang ika-limang palapag.

Maaga pa lamang kanina ay naghanda na ang mga residente sa pagdating ng demolition team.

Iniharang nila ang may pitong pedicab sa kanto ng Legaspi St at itinagilid ang isang basketball ring sa gitna ng kalsada bilang pandagdag harang.

Naghanda rin ang mga lalaking residente ng mga bote at tubo na gagamitin nila sakaling tuluyang umusad ang pwersa ng demolition team.

Taas-baba ang tensyon sa lugar dahil urong sulong ang 400 myembro ng demolition team na suportado pa ng Manila Police District.

Bago mag-ala una nang hapon, dumating si Manila Mayor Joseph Estrada at kinausap ang ilan sa mga residente.

Hinarang ng alkalde ang nakaambang demolisyon bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo na walang magaganap na demolisyon kung walang relokasyon.

Pag-aaralan naman ng naagrabyadong pribadong partido kung ano ang susunod na gagawin kasunod ng naunsyaming demolisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?