130

Jan 13, 2022 @ 15:25
By

Demolisyon sa Cavite kinondena ng Bayan Muna

Kinondena ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang naganap na demolisyon sa Maragondon, Cavite ngayong Huwebes na nauwi umano sa pamamaril at pagkasugat ng tatlo katao.

“Mariing kinokondena ng Bayan Muna ang pamamaril sa mga residente ng Brgy. Patungan na ipinaglalaban lamang ang kanilang karapatan sa panirahan,” sabi ni Cullamat.

Batay sa impormasyon na natanggap ni Cullamat, nagpaputok umano ng baril ang mga pulis at tatlong residente na nagpoprotesta ang tinamaan.

“Ang isang sugatan ay dinala sa bangka ng mga armado at bumalik para dalhin sa kanilang detachment ang biktima habang ang ibang lokal ay binubugbog ng higit 300 demolition team at pinosasan pati sugatan,” kuwento ni Cullamat batay sa impormasyon na natanggap nito mula sa Karapatan-Southern Tagalog.

Ipinunto ni Cullamat na itinuloy ang demolisyon sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19.

“Labing dalawang beses nagpaputok ang mga armado sa mamamayan. Mawawalan ng tahanan ang mga mangingisda at magsasaka sa ginagawang demolisyon,” dagdag pa ng lady solon.

Nanawagan din si Cullamat kay Cavite Gov. Jonvic Remulla na ipahinto ang demolisyon lalo at nasa ilalim ng Alert Level 3 ang probinsya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?