80

Mar 8, 2018 @ 22:52
By

DeMarcus Cousins lumutang sa Pelicans practice

Sa unang pagkakataon sapul nang sumailalim sa operasyon para ayusin ang kanyang torn Achilles tendon noong January, nagpakita si DeMarcus Cousins sa New Orleans Pelicans.

Ngayon lang nakita ng kanyang teammates si Cousins, nagpapa-rehab sa Los Angeles.

At dahil LA Clippers ang dinayo ng New Orleans, lumutang ang kanilang pambato.

Naka-crutches na dumating sa Staples Center si Cousins, at agad nag-post sa social media ang kanyang mga kakampi lalo si Anthony Davis.

Habang nakaupo sa bench, tumira pa sa sidelines si Cousins. Hindi rin siya napigil nang tumayo, iika-ikang naglakad sa court na naka-crutches, at bumitaw ng 3-pointer sa tuktok ng arc.

Pasok ang one-handed 3 niya, nakatingkayad ang inoperahang kaliwang paa at nakatukod naman sa crutches ang kaliwang kamay.

Kahit hindi nagkikita, tuloy ang komunikasyon ni Cousins sa teammates lalo kay Davis na nakita niya pa sa All-Star Game noong February. Pareho silang napiling starters.

Nang maka-53 points sa panalo kontra Phoenix Suns noong nakaraang linggo, tinawagan pa ni Davis ang kaibigan.

Pagkatapos ng shootaround, tinawag nina Davis at Cousins ang mga kakampi ang nag-group picture sa scorer’s table sa Staples Center.

Hindi pa sigurado kung kailan muling lalaro si Cousins.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?