19

Aug 10, 2021 @ 15:14
By

Delta variant walang patawad kahit sa mga bata – FDA

Ang pagiging mabagsik ng Delta variant ang dahilan kaya pinag-aaralang isama na ang mga bata sa mga dapat mabakunahan kontra sa COVID-19.

Ito ang paliwanag ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Rolando Enrique Domingo kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos magtanong ang presidente kung bakit ngayon lamang naisipang isama ang mga bata sa dapat bakunahan.

Sinabi ni Domingo sa Talk to the People ng pangulo na mga matatanda lang ang dating tinatamaan ng COVID mula sa naunang lumitaw na variants, subalit iba aniya ang karakter ng Delta variant dahil mas mabagsik ito, mas mabilis kumalat at pati mga bata ay hindi pinapalampas sa kontaminasyon.

“Kaya po iniisip na nating magbakuna ng bata kasi po yung Delta variant, mabilis siyang makahawa pero at the same time mabilis siyang makahawa ng mga bata at mas madami po ang mga bata na nagkakaroon ng severe disease,” ani Domingo.

Sa ngayon ani Domingo, ang Pfizer vaccine pa lamang ang pinayagang gamitin sa mga batang edad dose pataas ng FDA , at ginagamit na ngayon sa mga bata sa Amerika, European Union, UK, Canada at Singapore.

Sakali aniyang magdesisyon ang gobyerno na magbakuna na ng mga batang Pinoy na high risk ay maaaring gamitin ang Pfizer.

“Kung mag-decide ang pamahalaan natin na magbakuna naman ng mga bata na high risk, ito po sa ngayon ang available sa atin na maaaring gamitin,” dagdag ni Domingo.

Batay sa ulat, may mga batang tinamaan na ng Delta COVID variant sa iba’t ibang hospital sa Metro Manila, kabilang na dito ang nasa Philippine General Hospital at isa pang hospital sa Pasay City.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque sa pangulo na inirekomenda na nila ang pediatric vaccination mula edad 12-17 dahil sa mga naitalang kaso ng mga dinapuan ng COVID-19.

Pero sinabi ni Duque na kailangan pa ring isaalang-alang ang supply dahil hindi pa supisyente ang mga dumarating na bakuna, kaya dapat prayoridad pa rin ang pagbakuna sa mga may edad at matatanda batay sa priority list ng National Task Force Against COVID-19.

“Ayon po sa mga eksperto, maaari na natin bakunahan ang mga bata na may edad 12-17, kinakailangan lang isaalang-alang natin ang kasalukuyang supply ng mga bakuna bago magpasya o pahintulutan ang pagbakuna ng mga bata,” ani Duque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?