33

Aug 21, 2021 @ 10:24
By

Delivery rider tinangayan ng motorsiklo na katatapos lang bayaran

Labis ang sakit na nararamdaman ngayon ng isang food delivery rider matapos sapilitang nakawin ng dalawang lalaki ang motorsiklo na katatapos lamang niyang bayaran nang hulugan.

Nangyari ang insidente noong Agosto 18 sa Barangay Pembo, ayon sa “24 Oras” report.

Kinilala ang biktimang si Adrian Gumanit, 21-anyos.

Nakunan sa CCTV ang insidente kung saan paglabas ng biktima sa maliit na kalsada dala ang pagkaing ide-deliver ay hinarang siya ng mga suspek pagdating sa kanto.

Tinutukan ng baril ang biktima kaya wala nang nagawa kundi ibigay ang kanyang motorsiklo.

Nagpasaklolo si Gumanit sa ilang tao sa lugar at hinabol nila ang mga suspek pero pinaputukan sila kaya nagtago na lamang sila.

Ani Gumanit, sobrang sakit na nanakaw ang second hand niyang motorsiklo dahil doon sila kumukuha ng panggastos sa araw-araw kaya nanawagan siya sa mga salarin na makonsensiya at ibalik ang kanyang sasakyan.

Sa ngayon ay hindi pa natutunton ang mga suspek at ang motorsiklo ng biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?