64

Feb 1, 2020 @ 17:32
By

Delivery boy, todas sa holdaper

Hinoldap muna saka pinatay ang delivery boy sa Quezon City nitong Sabado ng madaling-araw.

Kinilala ni PCpl. Rodney Bay-os, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima na si Michael Kaizzer Magpantay, 29, binata, tubong Batangas at residente ng Barangay San Martin de Porres, Quezon City.

Naganap ang krimen dakong alas-3:35 ng madaling-araw (February 1) sa Golden Mansion Tree, ilang metro lamang ang layo mula sa tahanan ng biktima.

Ayon kay Florentino Magpantay, ama ng biktima, pauwi ang kanyang anak nang hintuan ng dalawang suspek na magkaangkas sa itim na motorsiklo, kapwa nakasuot ng itim na jacket at helmet at inagaw ang bag ng anak niya subalit nakipagbuno ito kaya binaril.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay kinuha pa ang wallet nito na naglalaman ng hindi pa batid na halaga ng pera at iba’t ibang importanteng kagamitan.

Maging ang security guard na si Albino Romero na naka-duty sa Golden Tree Mansion ay namataan na tila nakikipag-agawan at nakikipambuno ang biktima sa isa sa dalawang suspek habang hawak ang bag.

Noong una ay inakala ni Romero na nag-aaway lang ang biktima at suspek pero bigla umano siyang nakarinig ng dalawang putok ng baril.

Bumagsak ang biktima habang mabilis na sumakay sa motorsiklo ang mga suspek at tumakas patungong EDSA.

Inihayag ng ama ng biktima na holdap talaga ang pakay ng dalawang suspek dahil ang kanyang anak ay mabait at walang anumang masamang rekord sa kanilang barangay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?